Oktubre 2014 noong dumating ako sa Dubai, United Arab Emirates, sobrang bigat sa kalooban (grabe!). First time ko kasing mahiwalay sa pamilya ko. Gusto ko na ngang umatras eh? Kaso andun na ako sa airport. Ang hirap kaya maghanap ng trabaho, lalo na yung maghanap ng agency na nagpapaalis ng tao papunta abroad.
Dala ang aking panalangin at lakas ng loob, sinikap kong magtrabaho bilang isang Room Attendant/ Housekeeping Assistant sa isang hotel.
‘Wag nang magtaka. Oo, licensed nurse ako by profession pero pagdating ko ng Dubai nagtrabaho ako bilang Housekeeper dahil sa nais kong makapag abroad agad. It was never a good decision pero gusto ko kasing mag-step out sa comfort zone ko at iexplore ang mundo sa labas nito.
Hindi biro ang trabahong pinasok ko kaya saludo talaga ako sa mga nagtatrabaho sa Hotel. Bukod sa mayroong mga graveyard shift, sobrang dami pang tasks na kailangan gawin during working hours. Sumasahod ako noon ng 900 AED kada buwan katumbas ng 12,600 Php o 245 USD pero libre naman ang pagkain at tirahan.
Mahirap na trabaho, maliit ang sahod. Kaya housekeeping staffs working at any type of organization, I SALUTE YOU! Andyang kailangan mong i-vacuum ang buong hallway, linisin ang buong room, palitan lahat ng bedsheets, cover ng unan, cover ng duvet na super bigat, kuskusin ang banyo, ireplace ang amenities, punasan ang mga window panel at marami pang iba.
Sa sobrang hirap umiiyak na lang ako araw araw habang nagtatrabaho at tinatanong si Bro, “Lord, ano ba itong pinasok ko… Nagkamali ba ako Lord na pumunta ako dito?… Nagkamali ba ako sa desisyon ko na tanggapin ang trabahong ito?… Lord, ayoko na please, hindi ko na kaya”. Sobrang sakit sa katawan at kalooban.
Nang lumipas ang tatlong buwan nagdesisyon akong iwan ang trabahong ito dahil na din sa panghihina at pananakit ng aking katawan. Pero hindi ako pinabayaan ni God, sobrang bait nya at binigyan nya ako ng mas magandang trabaho.
Marso 2015, natanggap ako bilang isang receptionist sa isang Medical Center sa Dubai. Kung saan ako’y sumasahod ng 3,000 AED kada buwan katumbas ng 42,000 Php or 815 USD. Naging mas maayos at panatag ang kalooban ko dito at kahit papano’y nagagamit ko ang aking kaalaman bilang isang Nurse. Mababait ang aking mga nakatrabahong ibang lahi at mga kababayan kong Pinoy. Ang kalaban lang sa trabahong ito ay yung split shifting. Para sa kaalaman ng marami, halos lahat ng clinic at medical center sa Dubai ay hati ang oras kung kailan ito nagbubukas, kaya ako noo’y pumapasok ng 9am hanggang 1pm, at matapos ang 4-hour break ay papasok nang muli mula 5pm hanggang 9pm.

“God is going to give you more than what you have asked for”.
Pagkalipas ng tatlong buwan, nag-relieve ako bilang isang Purchasing Officer sa aming Head Office sapagkat nagbakasyon ang kanilang staff ng isang buwan. Sa tulong ng karelyebo ko, natutunan ko ang mga pasikut-sikot sa trabahong ito. Nagkaroon ako ng pag-asang magiging maliwanag ang aking kinabukasan at ng tiwala sa sarili na kakayanin ko ang trabahong ito kahit na mahirap.
Matapos ang isang buwan nang pagre-relieve ko sa staff na ito, muli na syang bumalik galing sa bakasyon. Ngunit sa kanyang pagbabalik, dala dala din nya ang balitang aalis na sya sa kumpanya. Kaya’t sa halip na ineexpect kong tatanggalin na ako sa pwestong iyon at babalik bilang receptionist, nagdesisyon ang aming President (pinakamataas na pinuno sa kumpanyang iyon) na ako’y manatili sa aking pwesto bilang Purchasing Officer. At sapagkat aalis na ang staff na nirelieve ko, ako na ang hahalili sa kanyang puwesto.
Dahil dito, tinaasan ang aking sahod mula 3,000 AED na naging 4,000 AED o katumbas ng 56,000 Php o 1,080 USD. Diyos ko! Sobrang thankful talaga ako sa nangyaring ito sa buhay ko. Hindi ko inakalang magkakaroon ako ng ganitong sahod. Napakalaking bagay para sa buhay ko ito na hinding hindi ko malilimutan.
Sa trabahong ito, natutunan kong humarap at magreport sa amo o mga taong may matataas na katungkulan sa isang kompanya. Aba! Office na office gurl ang awra ng lola nyo! Coat, blouse, skirt, heels with makeup pa yan, everyday pak na pak! Natutunan ko din magpasensya sa mga katrabaho kong ibang lahi, maging sa mga kababayan kong Pinoy. Nalaman ko ang mga tungkulin at responsibilidad ng isang Purchasing Officer.
Bilang maikling deskripsyon, ang trabaho ko noon ay bumili ng mga kagamitan sa ospital katulad ng mga gamot, medical consumables katulad ng gloves, syringe, medical equipment katulad ng Ultrasound Machine, CT-scan, Laser Machine, X-Ray at kung anu-ano pang machine. Mula sa maliliit na bagay hanggang sa malalaking makinarya, binibili ko ang mga ito para sa higit sa sampung ospital at medical centers na hawak ng aming kumpanya.
Lumipas ang isa at kalahating taon, lumawak ang aking kaalaman sa Purchasing o Procurement process. Syempre, sa trabaho hindi natin maiiwasan ang magkaroon ng problema. Mag-isa lang ako sa Purchasing Department noon, ngunit dahil lumalago na ang kumpanya, kinailangan maghire ng Purchasing Manager, na sa kasamaang palad, hindi nagtugma ang personalidad naming dalawa. Apat na buwan kaming nagbabangayan, ganoon katagal nya akong pinahirapan physically, mentally at emotionally. Araw-araw ulit akong umiiyak, ikaw ba naman utusan nyang magstay sa opisina hanggang 9pm/10pm ng gabi, yung tipong ikaw na lang matitira sa opisina at gagawin mo yung trabaho na pwede mo namang gawin kinabukasan. Naranasan ko ding ipahiya nya ako sa harap ng iba kong katrabaho. Pag ganito ang sitwasyon, tumatakbo ako sa CR at doon umiiyak, alam itong lahat ng kaibigan ko na kawork ko dati…
“Friend, kung gaano kahirap ang dinadanas mo ngayon, walang wala yan sa matatamasa mong kaligayahan pagkatapos mong malagpasan ang pagsubok na ito”, ito ang sinabi ng kaibigan ko na hinding hindi ko malilimutan hanggang ngayon.
Kaya’t ako’y nagdesisyong maghanap ng ibang trabaho at sa awa ng Diyos, sa kaisa-isang interview na pinuntahan ko, natanggap ako.
Abril 2017, sa parehong posisyon bilang Purchasing Officer na tinatawag ding Buyer, nagsimula ako sa panibagong kumpanya, kung saan binigyan ako ng sahod na AED 5,500 katumbas ng 77,000 Php o 1,495 USD. Kasama sa job offer ko ang yearly increase sa sahod at yearly commission na 1% of total net profit. Sa kasalukuyan, ang sahod ko ay mas mabuting itago na lamang natin sapagkat hindi naman ito ganun kalaki ngunit sapat na para maipanggastos ko sa araw-araw, makatulong sa aking pamilya sa Pilipinas, maibili ng kaunting bagay ayon sa aking kagustuhan at makaipon para sa aking kinabukasan.
Sobrang bait ni Lord, naniwala akong hindi nya ako pababayaan, at sa hiniling ko na sana maging okay na ang lahat, ay sobra sobra pa ang kanyang mga binigay na biyaya.
Oktubre 2019, limang taon na ang nakalilipas. Masaya ako at kuntento sa kung anong mayroon ako at ang pamilya ko. Ito ang naging buhay ko bilang OFW sa Dubai na nagsumikap at naniwalang there will be a better tomorrow. Madaming ups and downs pero pasaan ba’t magiging maayos din ang lahat.
Saludo ako sa mga OFW na katulad kong nagsusumikap na kumita at maiaho sa kahirapan ang kanilang pamilya para makamtan ang pinakahinahangad na maginhawang buhay. Sa mga kababayan ko na nandito sa Dubai na nakararanas ng mapapait na sitwasyon sa trabaho, kapit lang kabayan, kaya natin to.
Isa ka din bang OFW? Ano ang hinding hindi mo malilimutang karanasan sa bansang pinagtatrabahuhan mo?
At kung hindi naman, may kamag-anak ka bang OFW? Ano ang mensahe mo para sa kanila?
Salamat sa pagbabasa. Peace! Mwah…
(B.003)
